Huling araw na ng klase ng mga panahong iyon. Maaari na huling araw na rin ng pagsasama-sama at pagkikita ng magbabarkang sina Chris, Jai, Yuri, Ford at Rabeh sa Central Luzon State University.
“O, paano ba iyan. Hindi na ako makakasama at makakasabay ninyong umaakyat ng entablado .”, sabi ni Chris sa mga barkada.
“Pare, sigurado ka na ba dyan? Hindi ka na ba talaga mapipigilan?”, tanong ni Jai.
“Yap! Kailangan ko nang tumulong kina tatay at nanay. Alam ko namang nahihirapan na sila kahit hindi nila sinasabi iyon. At least doon, may trabahong naghihintay sa akin at…”
“…pag- aaralin pa ako ng magiging amo ko.”, sagot ni Chris.
“Ano nga pala Chris ang magiging trabaho mo doon?”, tanong ni Yuri sa kaibigan.
“ Caretaker ng mansyon pare.”
“ … ‘di kainam. Balitaan mo kami kung ano na’ng lagay mo doon.”, sambit ni Ford.
“Mami-miss ka naming at…”
“…siyempre ni Angela.”, bulong ni Jai.
“Nasaan nga pala si Angela?”, bigkas ng isang pusong nalulumbay at nananabik.
“May praktis pa.”, sagot ni Rabeh.
Si Angela ay isang simpleng modernong Maria Clara. Ang kanyang tinig ay tila nagmumula sa isang angel sa langit. Miyembro ang dalaga ng kilalang grupo ng mga mang- awit sa CLSU, ang Maestro Singers.
“Alagaan ninyo siya mga pare.”, habilin ng binata sa mga kaibigan.
Umalis na ang binatang si Chris. Bitbit ang lihim na pagsinta sa dalaga. Magkababata sila, kung kaya’t ganoon na lamang ang ingat ng binata na huwag masira ang pagkakaibigan nila ng dalaga.
Pagkalipas ng isang oras…
Nagmamadaling lumapit ang isang dalaga sa kumpulan ng magbabarda. Makikita sa kanya ang malungkot na mukha. Mababakas din sa kanya ang tunay na kagandahan. Maganda siya ngunit simple lamang manamit, at higit sa lahat mapagkumbaba siya sa kabila ng taglay na katalinuhan.
“Rabeh, nasa’n na siya… si Chris?”, malungkot at pagod na tinig ni Angela.
“Nahuli ka na.”
“Mga isang oras na siyang nakakaalis.”, dagdag ni Jai.
“Ganoon ba? Hindi man lang niya ako hinintay.”, naiinis na pagkasabi ng dalaga ngunit maririnig ang tinig na may bakas ng panghihinayang.
“Huwag kang mainis. Ayaw lang talaga niyang magkaiyakan pa kayo.”, sabi ni Ford.
“Pinagbilin ka naman niya sa amin.”
“Alam mo naming mahal na mahal ka niya.”, bulong ni Yuri.
“Ha?! Ano’ng sabi mo?”, tanong ng dalaga at mapapansin ang pagpula ng kanyang mga pisngi.
“Wala iyon.”
Pagkatapos magbiyahe ni Chris ng halos dalawang araw, nasilayan na niya muli ang bayan ng kanyang ina. Ito ang Lungsod ng Zamboanga. Apat na taon pa lamang siya nang huling maitapak ang mga paa sa lugar na iyon. Bitbit ang mga bagahe at ang pag- asang magtagumpay, tinungo niya agad ang mansyon sa may Calle Carmen.
Sumalubong sa kanya ang isang matandang babae. Mapapansin sa matanda ang karangyaan sa buhay. Siya si Donya Fernanda Brillantes, ang may- ari ng bahay.
“Magandang umaga po.”
“Marahil ikaw si Chris. Iyong anak ni Nelia.”
“Opo.”, magalang na sagot ng binata.
“Bale itong mansyon ang babantayan mo. Ibaba mo na iyang mga gamit mo at ipapakita ko sa iyo ang buong bahay.”
Mababakas pa rin ang kagandahan sa mansyon ng pamilya Brillantes. Matatanaw sa may bintana ang hardin, balon, swimming pool na pawang lumang-luma na at natutuyo. Mapapansin din ang mga naglalakihang puno sa paligid ng bahay. Kung bibilangin ay may dalampu ang mga kuwarto sa naturang masyon . Ang naging kuwarto ni Chris ay nasa ikalawang palapag.
“Ito ang magiging kuwarto mo rito, iho. Dalawang beses sa isang lingo, may pupunta rito para maglinis. Ikaw na ang bahala sa kanila at sa bahay na rin. Bibisitahin kita rito tuwing Linggo, at ibibigay ko sa iyo ang iyong suweldo at ang pambayad sa mga bills.”, sabi ng may- ari ng bahay.
“Maraming salamat po.”, tugon ng binata.
“Nasaan nga po pala iyong dating tagabantay dito?”, tanong ng binata.
“Bigla lamang umalis.”, sagot ng matanda.
Umalis na ang matanda. Nilinisan agad ni Chris ang kuwarto. Napakalaki talaga ng silid na iyon. Makikita rito ang mga lumang aparador, chandelier, kama, lampshade, lamesita, tumba-tumba, silya at marami pang iba. May bago rin naming telebisyon at radyo. Hindi napansin ng binata ang pagod at paglipas ng oras. Ito’y dahil sa kasiyahang dulot ng bagong tahanan.
Nakatulog ang binata. Isang babaeng maganda ang dumalaw sa kanyang panaginip. Masaya ang babae ngunit hindi pamilyar ang mukha nito sa kanya. Biglang tumunog ang telepono. Dahil sa pagkagulat, nagising siya at naputol ang panaginip.
“ Magandang hapon po. Sino po sila?”
May malamig na hangin ang dumaan. Ngunit walang boses na tumugon sa kanyang tanong. Ibinaba niya ang telepono. Hindi niya napansin na sarado ang lahat ng bintana pati na rin ang pinto.
“ Ano ba ‘yan? Unang araw ko pa lamang dito, may nanloloko na.”
Bumaba ang binata sa may hagdan. Nagtungo siya sa kusina upang ihanda ang kanyang hapunan. Kinuha niya ang mga gulay at panahog na karne sa may refrigerator. Hiniwa niya ang mga ito. Sa hindi sinasadyang pagkakataon, nasugatan niya ang kanyang daliri. Matapos kumain, ikinandado na niya ang gate at ang mga pinto ng mansyon. Umakyat na siya patungo sa kanyang silid. Binuksan niya ang ilaw at saka ang telebisyon upang maglibang. Palipat- lipat siya ng estasyon hanggang sa matanto niyang bakit ayaw siyang dalawin ng antok. Napagpasiyahan niyang makinig na lamang ng musika sa radyo. Madaling-araw na nang makatulog siya. Maaaring hindi pa siya sanay sa kuwarto at sa mansyong iyon. Halos isang linggo siyang hindi makatulog.
Tumawag siya sa kanyang ina at inilarawan ang buong mansyon. Pagkalipas ng pag- uusap ng mag- ina ay nagtext siya sa mga naiwang barkada. Lahat sila ay agad na nagreply, maliban lamang sa isa. Lumipas na muli ang isang linggo, lagi niyang binabasa ang mga mensahe sa kanyang mobile phone, ngunit wala talagang mensahe mula kay Angela. At lumipas ng lumipas ang panahon.
“Magpapasukan na iho. Asikasuhin mo na ang iyong mga papeles at mag-enrol ka na rin.”
“ Opo.”
Pagkatapos ng isang araw, nagtungo na siya sa Western Mindanao State University upang mag-enrol. Mahaba ang pila kaya inabot siya ng hapon. Magdidilim na ng makauwi siya ng mansyon. Tumawag siya sa kanyang ina at ibinalita ang lahat.
Sa kanyang pagtulog, napanaginipan niya muli ang babaeng mahiwaga. Sa pagkakataong ito, nakita niyang malungot ang babae. Tinanong niya ito ngunit tinignan lamang siya nito sa mata. Bigla rin itong tumakbo papalayo. Hinabol niya ang babae nang bigla siyang mahulog sa butas. Puno ang butas ng tubig at nalunod siya. Nagising siya na takot na takot.
“Salamat po Diyos ko at panaginip lamang ang lahat.”
Itinuloy niya ang pagtulog.
Kinaumagahan, bumisita muli si Donya Fernanda.
“O, iho, ito ang allowance mo para sa linggong ito. Kung kulang, huwag kang mahiyang magsabi.”
“ Sapat na po itong pera. Salamat po.”
“ Pagbutihin mo ang iyong pag-aaral.”
Dumating na ang pasukan. Nanibago siya sa lahat; sa lugar at sa mga tao na rin ditto. Dahil sa siya’y bagong lipat, nasa kanya ang mga mata ng buong klase. Masinsinan siyang kinikilala at kinikilatis ng mga ito. Lumipas ang mga mga buwan at nakatagpo na rin siya ng mga bagong kaibigan.
“ Pare. Halika inuman tayo.”, aya ni Emman.
“ Hindi ako umiinom pare. Pasensya na.”, sagot ni Chris.
Hindi talaga umiinom si Chris. Kahit noong nasa Nueva Ecija pa lamang siya ay ‘di niya ginawang uminom ng alak. Iniisip niya ang kanyang pamilya at kinabukasan ng mga ito kaya ayaw niyang magkabisyo.
Pagkauwi, tumawag siya sa kanyang ina at mga kaibigan. Labis siyang nasiyahan nang makausap ang babaeng sinisigaw ng kanyang puso. Inabot sila ng magdamag na magkausap at magkatext.
Kinaumagahan, mababakas at mararamdaman ang magandang aurang dala ng binata. Lalo siyang nagsipag sa pag- aaral. Kinagabihan, tumawag ang kanyang ina. Ibinalita ng kanyang ina ang pagpunta niya sa mansyon upang tulungan siyang magbantay. Nais kasi ng may-ari ng mansyon na may magbantay dito kapag my pasok ang binata. Natuwa ang binata sa sinabi ng ina. Umakyat siya sa silid at sinimulang gumawa ng isang kuwento ng kababalaghan. Ito ang kanilang proyekto sa paaralan. Nag- usap din sila ni Angela sa telepono ng gabing iyon.
“ Mahalaga ka sa akin Angela. Ingatan mo ang sarili mo.” sabi ng binata.
“ Ikaw rin naman. Mag-ingat ka lagi. Sige, gabi na. Good night!” sagot ng dalaga.
Nang araw ng Sabado, itinuloy niya ang pagsulat ng kuwento. Dating manunulat si Chris sa kanilang diyaryo noong hayskul pa lamang siya. Kinahapunan, ng araw na iyon, habang nagsusulat ang binata, narandaman niya ang init ng panahon. Pumatak ang pawis sa kanyang noo. Kinuha niya ang tuwalyang bigay ng ina. Ipinunas niya ito sa kanyang mukha. Matapos gamitin ay isinampay niya ito sa may silya.
Narinig niya ang pagpatak ng ulan sa may bubong.
“ Uulan pa yata ng malakas.”
Napatakan siya ng tubig sa ulo. Lumakas ang tulo ng mula sa butas sa kisame ng kaniyang kuwarto. Kumuha siya ng timba mula sa palikuran sa kanyang kuwarto. Isinahod niya ang tulo gamit ang timba. Init na init pa rin siya noon. Ilang saglit pa lamang ay napuno na agad ang timba. Lumakas ang pagpatak ng ulan. Muli niyang itinapon sa palikuran ang tubig sa may timba. May parang isang babae ang dumaan sa kanyang harapan. Kamukhang-kamukha ito ng babae sa kanyang panginip. Tinanong niya ito, ngunit tumakbo itong bigla. Hinabol niya ito ngunit bigla naming nawala. Napagod siyang magtapon ng tubig at habulin ang babae. Tumingala siya sa may bubong. Nagulat siya sa nakita. Isang mata ng babaeng umiiyak ang nakita niya. Ang mata ay walang tigil sa pagluha. Labis siyang natakot. Bumilis ang tibok na kanyang puso. Hindi niya alam ang gagawin at kung saan pupunta.
Biglang may kumatok sa pinto sa may ibaba.
“Chris! Chris! Buksan mo ang pinto.”, tawag ng isang babae.
Nang walang sumasagot, agad binuksan ng babae ang pinto. Dumating na nga ang ina ni Chris. Tumungo ito kaagad sa kuwarto ng anak. Natagpuan niya ang anak na walang malay at basang-basa. Agad niya itong ginising. Pagkagising ng anak ay nag- usap ang mag-ina.
“Ano ka bang bata ka? Bakit basing-basa ka?”, tanong ng ina.
“Umuulan po kanina inay.”
“Anong umuulan? Kataas- taas ng araw.”
Napatingin ang binata sa buong kuwarto. Napansin niya ang tuwalya sa may upuan. Hinawakan niya ito at pati ito ay basang- basa rin. Binuksan niya ang mga bintana. Inimasid ang mga mata sa paligid. Tuyong- tuyo ang buong paligid.
Hindi mapagtanto ni Chris kung panaginip lamang ang lahat o nangyari talaga. Ngunit tangi lamang niyang natanong sa sarili - bakit nadoon ang timba, tuwalya at paano siya nabasa?
Lumipas ang dalawang taon. Nagtapos na nga si Chris. Bumalik na siya sa Nueva Ecija upang maiahon sa hirap ang pamilya at balikan ang babaeng iniibig.Nagkita sila muli ng mga kaibigan at lubos sa lahat ni Angela. Nakapagtrabaho na siya at magkaksama silang magkakaibigan sa isang kumpanya. Naging Punong- panugot siya sa isang malaking pahayagan sa kanilang probinsiya.
Lumipas ang limang taon at lumagay na si chris sa tahimik. Ibinahagi niya ang kanyang buhay sa kabiyak na si Angela, sa anak at sa mga mambabasa ng kanilang pahayagan ganoon na rin ang kababalaghang bumabalot sa masyon at lalong-lalo na sa mata sa may bubong nito.
Tuesday, September 1, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment